Inspiring
Binansagang ‘Putol’ Isang Honor Student At Buo Ang Loob Na Matupad Ang Mga Pangarap

Tunay ngang anuman ang iyong sitwasyon sa buhay, basta’t buo ang iyong loob na mabigyan ng katuparan ang mga bagay na iyong pinapangarap ay maari itong maging posible. Ganito ang kuwento ng inspirasyon na hatid ng 24-toang gulang na si Aldrin Pawa na mula sa Palawan.
Hindi tulad ng iba, si Aldrin ay may kakulangan sa kanyang pisikal na pangangatawan, kung saan ang kanya ngan mga kamay at paa ay putol, kaya naman sa kanilang lugar ay binasagan siyang ‘Putol’. Ang kundisyon na ito ni Aldrin ay mula pa ng siya’y isilang, ‘birth defect’ nga ito at kung tawagin ay phocomelia syndrome.
Ngunit sa kabila ng kundisyon na ito ni Aldrin, ay hindi ito naging hadlang sa kanya upang hindi siya makapag-ara. Kahit na nga putol ang kanyang kamay at paa, nito lamang ngang ika-28 ng buwan ng Hunyo ay isa siya sa mga nagtapos ng senior high school sa Palawan National High School. Ang nakakabilib pa, ay nagawa niyang makapagtapos ng may parangal, sapagkat isa siya sa mga honor student ng kanilang klase.
Sa kanyang Facebook post noong ika-28 ng Hunyo ay nagbahagi si Aldrin ng isang mensahe na magbibigay inspirasyon sa mga katulad niya na may kakulangan. “Hindi sukat sa PHYSICAL o APPEARANCE ng tao kung makakapagtapos ka o hindi ang mahalaga ginawa mo ang best mo para sa mga taong naniniwala sa kakayahan na meron ka”, ani Aldrin.
Nang makapanayam naman ng ABS-CBN news si Aldrin, ay ibinahagi niya ang mga hirap na naranasan niya habang siya ay nag-aaral sa kabila ng kanyang kundisyon. Ayon kay Aldrin, umulan man o umaraw ay naglalakad siya gamit ang kanyang tuhod, kaya naman minsan ay hindi maiwasan na magkaroon ng nana ang mga tuhod niya, lalo na nga kapag sobrang init. Lahat nga ng hirap ay kanyang tiniis, dahil nais niyang may mapatunayan sa kanyang sarili, at isa na nga rito ay ang sa kabila ng ‘Putol’ ang tawag ng nakararami sa kanya ay magagawa pa rin niyang makapagtapos ng pag-aaral.
Ngayon na siya ay nakapagtapos na ng senior high school, plano ni Aldrin na kumuha ng kursong edukasyon sa kolehiyo. Maliban sa pagiging isang masipag na mag-aaral sa kabila ng kanyang kundisyon, si Aldrin ay isa ring SK Kagawad at Vice President ng Person with Disabilities sa Brgy. San Pedro, Puerto Princesa, Palawan.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na naging laman ng balita ang binansagang ‘putol’ na si Aldrin, dahil noong nakaraang taon ay naibalita na rin siya sa media nang mag-viral ga ang kanyang TikTok, na umani ng daang-daang libong mga views. Ang iba pa ngang mga dance videos ni Aldrin sa kanyan TikTok ay umabot pa sa milyon ang mga views.
May sarili ding YouTube channel si Aldrin, kung saan wala siyang agam-agam na talakayin ang kanyang kapansanan. Sa isang vlog na inilabas niya noong buwan ng Agosto taong 2021, ay inilabas niya ang kanyang saloobin tungkol sa mga pambabatikos sa kanya sa social media.
Amindo si Aldrin na naapektuhan siya sa mga pamba-bash sa kanya, na may pagkakataon na tila nada-down siya sa kanyang sarili, ngunit para sa kanya ay hindi ito naging dahilan para sumuko siya. Naging hugot umano niya ng lakas ang mga magulang at kaibigan niya, at mas higit ay ang pananampalataya niya. Saad pa niya, tanging hangad niya ay ang maipakita sa buong mundo ang kanyang kakayahan sa kabila ng kundisyon na mayroon siya at magbigay inspirasyon sa mga taong tulad niya na may kapansanan.
