Connect with us

Inspiring

Kahanga Hanga Ang Isang Inang Nagta-Tricycle Driver Para Makapag Aral Ang Mga Anak

Published

on

Sa panahon ngayon ay talaga namang lahat ng uri ng hanapbuhay basta’t marangal ay kakayanin ng isang magulang para lamang kumita ng pangsustento sa kanyang mga anak. Kaya naman kahit ang isang ina, kahit trabahong panlalaki ay nagagawa ng pasukin basta’t mayroon lamang maging hanapbuhay.

Halimbawa na nga lamang nito ay ang Ginang na si Lelibeth Javillo, kung saan para mas mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang mga anak at masustentuhan ang pag-aaral ng mga ito ay pati pagta-tricycle driver na kadalasang hanapbuhay ng mga lalaki ay kanya ng naging hanapbuhay.

Ang kuwento ni Ginang Lelibeth ay ibinahagi ng netizens na si Bryan Celeste sa kanyang social media account. Ayon sa naging pagbababahagi ni Bryan, si Lelibeth ay mayroong tatlong anak, na noon ay kanyang binubuhay sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga meryenda sa paaralan ng mga ito.

Maaga nga umanong gumigising si Lelibeth para magluto ng pangtinda niyang meryenda noon, at sumasabay na ito sa kanyang mga anak sa pagpasok sa eskwela ng mga ito kung saan niya inilalako ang mga paninda niya. Ngunit dahil naghigpit nga ang paaralan ng mga anak niya sa mga vendor na tulad niya, ay nag-isip si Lelibeth ng ibang paraa upang madali niyang mailako ang mga paninda niya.

Kumuha siya ng hulugang motor, at ito nga ang kanyang ginamit sa paglalako ng paninda. Kalaunan ay naging miyembro na siya ng TODA ng kanilang lugar, kung saan nu’ng una ay talaga namang kabado siya na maging isang tricycle driver dahil maliban sa nag-iisa siyang babae ay madalas pa siyang naiiwan sa paradahan. Sa tulong naman ng kanyang mga ka-miyembro ay nakapag-adjust din si Lelibeth at ngayon nga ay patuloy pa rin ang kanyang pamamasada ng tricycle.

Ayon naman kay Lelibeth hindi naman mahalaga sa kanya kung panlalaki ang ginagawa niyang hanapbuhay ngayon, dahil ang tanging mahalaga umano ay napapakain at nasusutentuhan niya ang kanyang mga anak sa marangal na paraan.

Sa kabila naman ng maraming pinagdaan sa kanyang mga naging hanapbuhay si Lelibeth ay hindi naman ito naging dahilan para siya ay sumuko, kung kaya naman hinangaan siya ng iba pa niyang mga kapwa nanay at mga netizens dahil sa determinasyon niya na maitaguyod ang kanyang mga anak.

Maituturing naman talaga na isang ulirang ina si Lelibeth, dahil sa kabila ng hindi madali ang trabaho ng tricycle driver ay buong tiyaga niya itong tinitiis para maitaguyod ang kanyang mga anak.