Inspiring
Ma Inspire Sa Dating Kasambahay Na Nakapagtapos Ng Isang Magna Cum Laude

Kung ang iba nga sa atin ay matiwasay na nakapag-aaral, batid naman natin na mayroon tayong mga kababayan na kinakailangan pang magtrabaho upang itaguyod ang kanilang pag-aaral, ito nga ay dahil sa kahirapan ng buhay na tunay namang nararanasan ng marami.
Samantala, tunay namang inspirasyon sa marami kapag mayroon tayong kababayan na ibinabahagi ang kanilang kuwento ng tagumpay, kung saan sa kabila nga ng kahirapan na kanilang dinanas sa buhay ay nagawa nilang makamit ang pangarap nila lalo na ang makapagtapos ng pag-aaral dahil sa kanilang sipag, tiyaga at determinasyon.
Isa na nga rito ay ang kuwento ng tagumpay ng Pilipinong mag-aaral na hindi lamang nakapagtapos ng kolehiyo, bagkus ay hinirang pang Cum Laude. Kinilala nga ang mag-aaral na ito na si Jarel Tadio, na mula sa Tuguegarao, Cagayan na nakapagtapos ng sa kolehiyo dahil sa kanyang pamamasukan bilang isang kasambahay.
“Proud Kasambahay, Proud Magna Cum Laude” ito nga ang nakasulat sa karatulang hawak ni Jarel sa kanyang larawan na ibinahagi sa Facebook kung saan ay makikita nga siyang nakasuot ng Toga at sa kabilang kamay naman ay hawak niya ang kanyang mga medalya.
Ayon kay Jarel, sa kanyang paglaki ay namulat siya sa estado ng kanilang pamumuhay na tingin niya ay malayo nga sa buhay ng ibang mga kabataan na tulad niya. Dahil dito ay tumatak nga sa kanyang isipan ang maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan at ang makapagtapos nga sa pag-aaral ang naisip niyang pinakamabisang paraan upang ang pangarap niyang ito ay mabigyan niya ng katuparan.
Sa panahon ngayon ay tunay na bibihira na sa mga kabataan ang magkaroon ng ganitong mentalidad, kung saan hindi lamang nga ang kanyang sarili ang iniisip niya na umasenso kundi ang kanyang buong pamilya ay ninanais niyang mabigyan ng maulad at magandang buhay. “Wala. Wala akong gustong maging in the future. Basta, maayos ko lang ang buhay nina Mama okay na ako.”
“Namasukan ako bilang maid. Pero taas nuo ako sa trabaho ko. Marangal un. At ang masaya dun, libre na ang tulugan, libre pa ang pagkain, libre meryenda, libre tv, libre cable at libre wifi. Saan ka pa!”, ang naging paglalahad ng ani Jarel ng kanyang buhay noong siya ay naging kasambahay.
Habang namamasukan nga bilang isang kasambahay ay dito na sumagi sa isip ni Jarel ang muling bumalik sa pag-aaral, at maging working student. Sa kabila ng hindi madali ang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang isang kasambahay ay pinagsumikapan niya talaga ito at naging determinado dahil sa kanyang pangarap na makapagtapos upang maiahon sa kahirapan ang kanyang mga magulang.
Nagbunga naman ang naging pagsusumikap at pagtitiis ni Jarel, dahil noon lamang taong 2018 ay nakapagtapos na nga siya ng kolehiyo sa Cagayan State University sa kursong Hotel and Restaurant Management at sa pagtatapos nga niya na ito ay hinirang pa siyang Magna Cum Laude.
Iniaalay naman ni Jareld ang tagumpay niya na ito sa kanyang mga magulang na siya ngang nagsilbing inspirasyon sa kanya upang makamit ang yugto na ito ng kanyang buhay.
“Ma, Pa, ito na po ang bunga ng bawat pagod, bawat hirap at bawat luha…. Graduate na po ang anak niyo at ito ay dahil hindi niyo ako pinabayaan, dahil sa pagtitiwala sa aking kakayahang tapusin ng matapang at tahakin ng may takot sa Diyos ang aking nasimulan. Huwag kayong mag-alala mama, papa etong speech at diploma muna ang tanggapin nyo, pauna pa lang to, sa susunod may sobre na po”, ang naging saad ni Jarel sa kanyang speech noong kanyang graduation.
