Connect with us

Showbiz

Michelle Gumabao Mula Sa Pagiging Volleyball Player At PBB Housemates Hanggang Makilala Bilang Isang Beauty Queen

Published

on

Si Michelle Gumabao o sa tunay na buhay ay si Michelle Theresa ay ipinanganak noong ika-2 ng Setyembre taong 1992 sa San Mateo, California, USA. Ang kanyang ama ay isang dating PBA player/actor na si Dennis Roldan at ang ina naman niya ay si Loli Imperial, na mula sa kilalang pamilya sa Bicol.

Mayroong apat pang kapatid si Michelle, ito nga ay sina Marielle, Katrina, ang aktor na si Marco Gumabao at si Margarita. Nagtapos si Michelle ng kursong Bachelor of Science degree major in Marketing Management sa De La Salle University, at dahil sa kanyang angking talino ay consistent siyang napabilang sa Dean’s List hanggang sa siya nga ay makapagtapos noong taong 2012.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami sa atin na si Michelle ay kilala bilang isang volleyball player, at ang kanyang karera sa paglalaro ng volleyball ay nagsimula ng siya ay makapasok sa De La Salle, kung saan nga siya ay naging parte ng varsity team na Lady Spiker.

Nang kapanahunan nina Michelle sa pagiging manlalaro ng volleyball team ng De La Salle, ay ang team niya ang naging kampeon sa University Athletic Association Philippines games sa magkasunod na tatlong taon. Matapos naman ang naging pagtatapos ni Michelle, ay naging manlalaro naman siya ng Philippine Super Liga, isang semi-professional corporate club volleyball league sa bansa, magmula nga taong 2013 hanggang taong 2017.

Naging parte naman siya ng Premier Volleyball League noong taong 2017, kung saan ay miyembro rin nito ang mga kilalang volleyball stars na sina Allysa Valdez at Mellisa Gohing. Dahil naman sa pagiging popular ni Michelle sa pagiging atleta ay noong taong 2014 ay nakapasok siya bilang housemate ng Pinoy Big Brother: All in, isang reality-based TV show ng ABS-CBN. Dito ay nakasama niya bilang mga housemates ang mga celebrity personality na sina Jane Oineza, Alex Gonzaga at Daniel Matsunaga.

Ngunit dahil sa pagkakaroon ni Michelle ng ‘strong personality’ at ‘competitiveness’ ay naging ‘bossy’ na isa sa mga dahilan ng maaga niyang pagkaka-evict sa PBB. Sa ika-4 na eviction night nga ay tuluyan ng na-evict si Michelle, kung saan matapos nito, ay nagbago umano ang tingin ni Michelle sa buhay at may natutunan rin siyang aral.

“Nagbago ang tingin ko sa buhay, sa pagsubok, sa pakikitungo sa tao. Natutunan ko pong magsakripisyo. “Di ko inisip na dito ko pala makikilala si God ng lubusan. “Natutunan long magtiwala sa Kanya sa kahit anumang sitwasyon”, ang naging pahayag noon ni Michelle sa sa Aquino & Abunda Tonight matapos nga niyang ma-evict sa PBB.

Samantala, unang sumabak si Michelle sa beauty pageant noong taong 2018 ng maging kalahok siya at rumampa sa Binibining Pilipinas pageant 2018. At sa naging panayam noon kay Michelle ay ibinahagi niya kung ano ang nagtulak sa kanya para magdesisyon na sumabak sa beauty pageant.
“I represent all the girls na hindi nila inakalang mag-beauty pageant coming from sports”, ani Michelle.
Dagdag pa niya, nais niyang maputol ang kaalaman ng iba na tanging mga babae lamang na may ‘slender figure’ ang puwedeng sumabak sa beauty pageant.

Sa naging unang pagsabak ni Michelle sa beauty pageant ay nakuha niya ang isa sa mga major titles at ito nga ay ang Binibining Pilipinas Globe 2018, kung saan ang kinoronahan naman bilang Miss Universe Philippines 2018 ay si Catriona Gray, na nakapagsungkit din ng Miss Universe 2018 title at crown.
Sumabak rin si Michelle sa Miss Globe 2018 sa Albania, kung saan ay nagawa niyang makapasok hanggang sa Top 15.

Muli namang sumabak si Michelle sa Miss Universe Philippines 2020, dahil na rin sa kahilingan ng kanyang mga tagahanga, at batid nga niya na ito na ang kahuli-hulihang pagkakataon na sasali siya sa beauty pageant dahil sa ito ay may age limit. Kaya sa pagkakataon na ito, ay talaga namang determinado siya na masungkit ang titulo at korona.

Noon ngang ika-25 ng Oktubre taong 2020 inanunsyo kung sino ang mga wagi sa Miss Universe Philippines 2020, at si Michelle nga ay nasa 2nd runner up, dahil ang nakasungkit ng korona at titulo ay si Rabiya Mateo na mula sa Iloilo City.